Panatang Makabanda ng RiverMaya
Ni: Marjorie Escuadro at Charlton John Monton
Taong 1993 nang mabuo ang bandang “Rivermaya” at mula noon hanggang ngayon nag-iwan na ito ng marka at tatak sa puso’t isipan ng bawat Noypi. Sa dami ng mga awiting pinasikat nila, hindi maipagkakailang isa na sila sa mga haligi ng musikang Pilipino. At sa mga awitin nilang hindi lang naghahayag ng damdamin kundi nagbibigay rin ng inspirasyon, kahit sino ang tanungin mo tyak sasabihing “Oo, hanga ako sa RiverMaya”.
Isa na ako sa mga tagahangang iyon. Kaya naman nang sinabihan akong ako ang mag-iinterview sa banda, hindi ko na pinalampas ang pagkakataon. At kahit medyo kabado, ay tinanggap ko ang hamon.
21-4- HNU
Kahit bente uno anyos na ang banda, unang pagkakataon nilang tumugtog dito sa Holy Name University. At nang tinanong ko kung anong unang pumasok sa isipan nila nang malamang magpupunta sila dito, sagot ni Mike, “Masaya kami kasi galing din kami sa (Ubay) Bohol last time, ikinatuwa din namin ‘to kasi usually once a year lang kami pumupunta sa mga probinsya”. “Isa ang Bohol sa may pinakamagagandang tanawin dito sa Pilipinas, kaya masayang magpabalik-balik dito” dagdag ni Marc.
Hindi na bago para sa banda ang tumugtog sa mga unibersidad kagaya ng HNU. Madalas rin kasi silang naiimbitahang tumugtog sa iba’t ibang unibersidad dito sa bansa. At ayon kay Norby, iba kapag sa isang school sila nagperperform kumpara sa pagtugtog nila sa mga corporate events, “ Iba kasi kapag sa mga corporate shows masyadong formal, parang pinapafeel sa’yo na oh, magperform ka kasi binayaran ka namin. Pero pag sa schools masarap eh kasi parang tuwang-tuwa sila na dumarating ka”, sabi ni Norby.
Dagdag pa ni Marc, na ang pagpeperform sa isang school ay isa ring opportunidad para maibahagi ang kanilang mga awitin sa mga kabataan.
Umaaraw Umuulan
Umaraw man o umulan, ayon kay Mike ang inspirasyon nila sa pagsusulat ng kanta ay yong mga naranasan nila o naekwento sa kanila ng diretso, “parang nagkakaroon ng spark, gusto mong ishare sa mundo ang kwento.. but more importantly malakas talaga maka-impluwensya sa amin ay ang mga nangyayari around us.”
Oo, mga kwentong totoo, mga kwentong hango sa realidad, iyan ang nasa liriko ng bawat awitin ng RiverMaya at ito marahil ang sekreto kung bakit tumagal ang banda ng mahigit dalawampung taon. Subalit, nung tinanong ko sila tungkol dito, pabirong sabi ni Ryan ay “hindi pwedeng sabihin eh sekreto namin yan”, sabay tawa. Pero dagdag pa ni Ryan, “siguro wag lang kalimutan kung bakit ka nagbanda in the first place kung mahal mo ang ginagawa mo, tiyak tatagal ka”.
Isa rin sa nagpapatibay ng samahan ng grupo ay ang mga bonding nila labas sa trabaho, “aside from work kung sa mga pami-pamilya kami parin magkakasama eh”, wika ni Marc na ibinuko na basta may espesyal na okasyon sa pamilya ng bawat isa ay imbitado ang buong banda.
Wari pa ni Mike, na kaya talagang nagkakasundo ang grupo dahil mayroon silang one thing in common, at yan ay ang pagmamahal sa pamilya. “Kapag mga holidays , “family day” talaga namin yon ng pamilya, kinakalimutan muna namin ang musika sa mga ganong okasyon”, wika ni Mike.
Panatang Makabanda
Hindi lingid sa ating kaalaman na may yugtong mayroong umaalis at mayroon ding dumadating na bagong myembro sa RiverMaya. Ngunit gayon paman, napanatili parin ng banda ang pangalang inalagaan ng mahigit dalawampung taon. Ayon nga sa kaibigan kong si Emmylou, “Idolo ko ang RiverMaya kasi wholesome ang banda”.
Ang tagumpay ng isang banda ay nakasalalay din sa katangian ng bawat myembro nito. Kaya nung tinanong ko sila kung paano nila mailalarawan ang isang mambabanda, sagot ni Mike ay, “ang isang mambabanda ay responsible sa lahat ng kanyang ginagawa.” Ang sabi naman ni Ryan ay “Ang isang mambabanda ay totoo at tapat”. Para naman kay Norby, ang isang mambabanda ay “totoo sa sarili”. Naiiba naman ang sagot ni Marc dahil para sa kanya ang isang mambabanda “ ay hindi tumatanda”.
“Close your eyes, dry your tears. And when this world’s insincere, you’ll be safe here”, ang liriko ng awitin nilang “You’ll be safe here”. Di hamak na naaayon ito kung bakit maraming tagahanga ang banda dahil sa tuwing ipipikit mo ang iyong mga mata at ramdamin ang musika nila, para bang mararamdaman mong malaya kang maging bahagi ng kanta.
Ang RiverMaya ay binubuo ngayon nina Mike Elgar ( Lead Vocals/guitar), Marc Escueta ( guitar/vocals), Norby David (guitar/vocal) at Ryan Peralta (drums) na pawang naglalayon na makapagbigay ng mabuting musika sa lahat ng mga nakikinig sa kanila, at iyan marahil ang kanilang Panatang Makabanda..






0 (mga) komento: